MANILA, Philippines - Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang tricycle driver nang ang mga bala na para sa kanya ay tumama sa kanyang tatlong pasahero na ikinasawi ng isa rito na naganap kamakalawa sa Port Area, Maynila.
Namatay noon din ang biktimang si Rogelyn Cabildo, 21, saleslady ng 168 Mall at residente ng Block 1, Dubai, Baseco Compound, Port Area, dahil sa tama ng bala sa ulo.
Nasugatan naman ang mag-ama na sina Jonathan De Los Santos, 26 at anak na si Justine, 1 na residente rin ng lugar na kapwa tinamaan ng bala ng baril sa katawan.
Sa ulat, dakong alas-3:35 ng hapon ay sakay ang mga biktima sa tricycle ng isang Ameli Mokasib at pagdating sa kahabaan ng Blk.9 Ext. Baseco, Compound ay nilapitan ng hindi pa kilalang suspek si Mokasib at pinagbabaril, subalit hindi nasapol bagkus ay tumama ang mga bala sa kanyang tatlong pasahero.