MANILA, Philippines - Hindi na nakapalag pa ang isang holdaper nang arestuhin ito ng isang sekyu na sumaklolo sa isang dalaga na hinoholdap nito kahapon ng umaga sa Pasay City.
Ang suspek na nakakulong na ngayon sa Pasay City Police detention cell ay kinilalang si Robert Tayamora, 29, may-asawa, ng #1916 Barangay Cupang, Muntinlupa City.
Ayon sa salaysay ng biktima na si Julianne Bautista, 20, dalaga, ng Villamor, Pasay City na naglalakad siya sa NAIA Terminal 3, Andrew Avenue ng naturang lugar nang holdapin ng suspek.
Sumigaw ito ng saklolo na narinig naman ng nakatalagang sekyu na si Banzar Marcos na kasalukuyang nag-ro-roving sa lugar.
Mabilis na sumaklolo si Marcos at inaresto ang suspek at dito ay narekober ang hinoldap sa biktima na Black Berry cellphone na nagkakahalaga ng P6,000.00, isang Cherry Mobile at isang cutter, na posibleng ginamit nito sa panghoholdap sa biktima.