MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 250 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos lamunin ng apoy ang may 140 kabahayan sa naganap na sunog kahapon ng madaling-araw sa Parola, Tondo, Maynila.
Sa ulat ng Manila Fire Bureau-Arson Division, dakong ala-1:31 ng madaling-araw nang magsimula ang apoy sa hindi matukoy na bahay na umano ay dahil sa natabig na gasera.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.
Nahirapang pasukin ng mga trak ng bumbero ang lugar dahil bukod sa masikip ang kalye ay marami ding nakahambalang sa daan.
Umabot sa Task Force Alpha ang sunog na tumagal ng halos apat na oras bago ito tuluyang naapula.
Nasa P1 milyon naman ang halaga ng pinsala habang isang residente na kinilalang si Ariel Sanchez ang nasugatan sa tuhod matapos tumalon mula sa ikalawang palapag ng bahay para makatakas sa sunog.