MANILA, Philippines - Dahil sa nagaganap na giyera sa pagitan ng Israel at Palestine’s Hamas na kasalukuyan ay nasa 700 katao na ang namamatay ay ipinatupad ng pamahalaan ang total deployment ban ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Gaza.
Nagpalabas ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Governing Board ng Resolution No. 18, hinggil sa total deployment ban kasunod na rin nang pagtataas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng Crisis Alert Level 4 sa Gaza Strip na nangangahulugan ng mandatory repatriation.
Sa nasabing resolusyon, inatasan ng POEA ang Department of Labor and Employment Quick Response Team upang makipag-ugnayan sa DFA para sa agaran at ligtas na pagpapauwi sa bansa ng mga OFW sa naturang lugar.
Sa pamamagitan naman ng Resolutions No. 19 at 20 ay nagpatupad ang POEA ng partial ban sa pagpapadala ng mga bagong OFWs
sa West Bank at Israel dahil sa lumalalang tensiyon sa mga naturang lugar.
Tugon ito sa kautusan ng DFA na nagtaas ng Crisis Alert Level 2 doon o restriction phase. Pinapayagan naman ang pagproseso at deployment ng mga returning OFWs na mayroong existing employment contracts sa naturang mga lugar.