MANILA, Philippines - Hinihingan ng paliwanag nina Senators Nancy Binay at Grace Poe si Budget Secretary Florencio Abad kung saan napunta ang nawawalang P90 bilyong savings mula sa pinagsama-samang P237 bilyong pondo na naipon para sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ayon kay Binay bagaman at nalusutan ni Abad ang ginawang paggisa sa kanya ng Senate Committee on Finance kaugnay sa pondo ng DAP hindi nangangahulugan na nakalusot na talaga ito.
Anya, dapat ay mayroong managot sa nawawalang P90 bilyong savings ng gobyerno at dapat rin ipaliwanag ni Abad kung saan napunta ang pondo na inilaan para sa DAP.
Ayon naman kay Poe na hindi lamang ang DAP ang dapat i-account ng DBM kung hindi maging ang regular savings na nakukuha mula sa General Appropriations Act (GAA).
Umabot sa P237 bilyon ang pinagsama-samang savings ng gobyerno mula 2010 pero P167 billyon lamang ang napunta sa DAP.
Natuklasan rin sa hearing na isinagawa noong Huwebes na bagaman at P157 bilyon ang inapruhan ng gobyerno para sa mga panukalang proyekto sa ilalim ng DAP nasa P144.3 bilyon lamang ang naipalabas.