MANILA, Philippines - Mahigit 600 o dalawang batalyong sundalo ang idedeploy ng Joint Task Force-National Capital Region (JTF-NCR) upang tumulong sa PNP sa pagbibigay seguridad sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III sa Lunes (Hulyo 28) na gaganapin sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.
Magdedeploy ng anim na Civil Disturbance Management (CDM) companies upang tumulong sa Super Task Force Kapayapaan SONA 2014 ni NCRPO Chief P/Director Carmelo Valmoria.
Maliban sa anim na CDM companies ay magdedeploy rin ng JTF –NCR at mga K9 units gayundin ang Explosive and Ordnance Disposal (EOD) teams.
Ang mga elemento ng JTF-NCR ay idedeploy sa mga istratehikong lugar sa Metro Manila na inaasahang daragsain ng mga raliyista.
Isinailalim na kahapon sa full alert status ang NCRPO bilang paghahanda sa SONA ng Pangulo.