Bakbakan sa Basilan: 5 patay
MANILA, Philippines - Nasawi ang tatlong Abu Sayyaf Group (ASG) kabilang ang isang commander at dalawang Civilian Volunteer Organization (CVO’s) habang pito ang nasugatan sa naganap na bakbakan ng magkabilang panig kamakalawa sa Ungkaya Pukan, Basilan.
Kinilala ang nasawing lider ng mga bandido na si Sulaiman Ajanti alyas Commander Ulay at dalawa nitong tauhan na nakilalang sina Damman Hasalal at Jakaria Kulok.
Dalawa naman ang napaslang mula sa CVO’s na force multiplier ng Army’s 18th Infantry Battalion (IB) na hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan.
Ang mga nasugatan na mga CVO’s ay kinilalang sina Adzmin Hasalan at Ummak Kidok habang lima ang sugatan sa panig ng mga bandido.
Batay sa ulat ni Lt. Col. Jose Paolo Perez, Commander ng Army’s 18th Infantry Battalion (IB) bandang ala-1:00 ng hapon nang maglunsad ng operasyon ang dalawang platoon ng 18th IB katuwang ang grupo ng mga CVO’s laban sa grupo ni Commander Ulay sa Sitio Bauno Magpasong, Brgy. Sungkayot, Ungkaya Pukan ng lalawigan.
Dito ay nagkaroon ng 20 minutong putukan sa pagitan ng magkabilang panig na ikinasawi ni Commander Ulay at ng dalawa nitong tauhan.
Ang operasyon ay inilunsad upang masugpo ang nalalabi pang grupo nina Ajanti na sangkot sa kidnapping for ransom tulad sa pagdukot sa mag-inang US citizens na sina Gerfa Yeatts Lunsmann at anak nitong si Kevin Eric noong Hulyo 12, 2012 habang nagbabakasyon sa Sta. Cruz Island, Zamboanga City.
Ang mag-ina ay dinala at itinago ng mga bandido sa Basilan kung saan magkahiwalay ang mga itong nakalaya matapos ang ilang linggo.
Ang grupo rin ni Ajanti ang responsable sa pagbihag sa social worker na si Jennelyn Luna sa Sumisip, Basilan noong 2013.
- Latest