MANILA, Philippines - Maaaring maparusahan ng batas at pagmultahin pa ang mga pampasaherong driver sa buong bansa partikular sa Metro Manila kapag napatunayan na may “putok” ito o bad odor.
Sa ipinalabas na memorandum circular number 2011-004 ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) kung ang isang driver na may “putok” ay maaaring magmulta ng P2,000 sa unang offense, P3,000 multa sa second offense na may suspension ng 2 buwan ang pagpasada ng sasakyang minamaneho nito at pagkumpiska sa plaka ng sasakyan at sa 3rd offense naman ay may multang P5,000 at kanselasyon ng prangkisa ng sasakyan.
Sinabi ni LTFRB board member Ronaldo Corpus, karaniwan ng walang driver ang napaparusahan nito kung may putok dahilan sa wala namang nagrereklamo sa ahensiya hinggil dito.
Sinabi din ni Corpus na kasama din sa usaping ito ang pagiging malinis sa mga kuko, pagbabawal na magsuot ng tsinelas, shorts at sando gayundin ang pag-iwas sa paninigarilyo ng mga PUV driver habang namamasada.
Sa pampasaherong jeepney driver anya ay dapat na nakapantalon at kulay blue na polo shirt at nakasapatos o sandals na panlalaki na may suot na medyas ang kasuotan, kulay puti namang polo sa mga driver ng bus, taxi at AUV at kahit anung kulay ng pantalon.