MANILA, Philippines - Sa sobrang galit umano ng isang bartender sa live-in partner na nakatalo niya sa palitan ng text message ay nagawa nitong uminom ng silver cleaner kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Ang biktima na ideklarang dead on arrival sa Manila Central University Hospital ay kinilalang si John Patric Poquiz, 26, ng Ubas St., Bagong Barrio ng lungsod.
Bago ang biktima na natagpuang bumubula ang bibig dakong alas-8:45 ng gabi ng kanyang live in partner na si Realyn Barrera ay nagtalo pa umano sila ng una sa palitan ng text messages.
Humingi ng saklolo si Barrera sa mga kapitbahay upang maisugod sa pagamutan ang kinakasama ngunit hindi na rin naisalba ang buhay nito.
Ayon kay Barrera na nagtalo sila ng biktima sa palitan ng text messages sa hindi mabatid na dahilan at nagbanta pa umano ang biktima na magpapakamatay kung hindi agad uuwi ng maaga ang una.