Bading tinodas ng 3 bisita

MANILA, Philippines - Natagpuang hubo’t hubad ang bangkay ng isang 44-anyos na umano’y bading na tadtad ng saksak sa loob ng bahay nito kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Ang biktima ay kinilalang si Reginald Santiano, ng Buenavista St., Malinta ng lungsod. 

Naaresto naman sa isinagawang follow-up operation ang mga suspek na sina Cedrick De Gula, 20, ng Lawa, Obando, Bulacan at Daniel Aquino, 17, ng Bernardo Compound, Palasan, Valenzuela City. Habang  pinaghahanap ang isa pa nilang kasabwat na si Jed Sarabia, 18, ng Bulacan.

Ang pagkakaaresto sa mga suspek ay sa tulong ng isang tricycle driver na sinakyan ng mga ito  sa pagtakas at itinuro kung saan niya inihatid ang mga ito sa Barangay Arkong Bato. 

Dito nasakote sina De Gula at Aquino at nakuha sa posesyon nila ang ginamit na patalim at cellular phone ng biktima.

Nakuha rin sa poses­yon ni Aquino ang isang cellular phone ng isa pa nilang biktimang bading na si Rolando Calaraza na pinatay ng mga ito noong Hulyo 10, 2014 sa inuupahang kuwarto sa CM Building, Camia Street, Brgy. Marulas, ng lungsod.

Ang modus ng mga suspek ay makipagkaibigan sa mga target na bakla at kapag nakuha na ang loob ay pagnanakawan at kapag pumalag ay kanilang papatayin.

Show comments