MANILA, Philippines - Matapos na lumabas ng bansa kahapon si bagyong Henry na patungong Taiwan ay namataan naman ang magkasunod na low pressure area (LPA) na nagbabanta na pumasok.
Ayon kay Buddy Javier, weather specialist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), na as of 11 am kahapon ay patuloy na binabantayan ang isang LPA na nasa may 1,140 kilometro ng silangan ng Southern Luzon, subalit hindi anya ito magiging ganap na isang bagyo.
Ang pinangangambahan nila ay kasunod nitong isa pang LPA na ang maaaring pumasok sa bansa na may taglay na lakas na maaaring maging ganap na bagyo dahil sa laki ng cloud cluster, malaki ang movement at mas aktibo ang pag-ikot.
Posible, anya na sa susunod na 2 hanggang 3 araw ay mararamdaman ito sa bansa at kapag naging bagyo ito ay tatawaging “Inday” at inaasahang papasok sa silangang bahagi ng Bicol Region.
Hindi pa naman anya niya masasabi na sinlakas ito ni bagyong Glenda na isa ring babae ang pangalan, subalit dapat ay maghanda at mag-ingat.
Maging si Department of Interior and Local Governmen (DILG) Secretary Mar Roxas ay naghikayat sa publiko na maging alerto sa maaaring pagbuhos ng malakas na ulan at pagbaha dulot ng nasabing panibagong bagyo.
Hinikayat din ni Roxas ang bawat may-ari ng bahay na maghanda ng balde na paglalagyan ng mga emergency supplies, tulad ng inumin, mga delata, tuwalya at blanket, na importanteng pangangailangan kapag may emergency situations.