MANILA, Philippines - “Mas makabubuti para sa ating bansa kung hindi muna ipatutupad ang K to 12 Program hanggat hindi pa nasosolusyunan ang mga problema sa sistema ng ating edukasyon tulad ng kakulangan sa mga silid-aralan at kagamitan ng mga estudyante, at ang kakulangan sa mga guro at ang kanilang mababang sahod,”.
Ito ang inihayag ni Senador Antonio “Sonny’ Trillanes na habang hindi pa nasasaayos ang kasalukuyang mga problema sa sistema ng edukasyon sa bansa, kasama na ang mga inaasahang problemang haharapin nito kapag ipinatupad na ito sa 2016 ay ipahinto muna ang pagpapatupad ng K-12 program.
Anya, ang kawalang plano ng pamahalaan na inaasahang pagkakatanggal sa trabaho ng aabot sa 85,000 mga guro at empleyado sa mga kolehiyo kapag nagsimula na ang programa sa 2016.
“Aayos lamang ang kalidad ng edukasyon sa bansa kung masosolusyunan ang mga nasabing problema. Kung magagawa natin ito, mas magiging magaling ang ating mga estudyante,” paliwanag ni Trillanes, chairman ng Senate Committee on Civil Service and Government Reorganization.
Ayon pa kay Trillanes na hindi pa nasolusyunan ng pamahalaan ang problema ng kakulangan sa mga classrooms, dahil sa maraming paaralan pa rin ang patuloy na gumagamit ng mga make-shift na classrooms, o di kaya’y nagpapalitan sa paggamit ng mga silid-aralan kahit mas maiksi pa ang haba ng mga klase nito sa tamang oras na aprubado ng Department of Education.
Ikinalulungkot din ni Trillanes ang patuloy na pagkakaroon ng mga volunteer teachers na kumikita lamang ng P3,000.00 kada buwan at kinuwestyon din nito ang kakulangan sa training ng mga guro na minsan pa’y sumasagot sa gastos ng sarili nilang training bilang paghahanda sa pagpapatupad ng K to 12.