2 BIFF patay sa bakbakan, 10 sugatan

MANILA, Philippines - Patay ang dalawang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) habang walong sibilyan at dalawang sundalo ang nasugatan nang  sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng mga armadong rebelde at tropa ng pamahalaan sa Maguindanao, ayon sa opisyal kahapon.

Sinabi ni Col. Dickson Hermoso, Spokesman ng Army’s 6th Infantry Division (ID), nag-umpisa pa ang bakbakan kamakalawa ng gabi at nagpatuloy nitong Lunes ng umaga bilang bahagi ng opensiba ng gobyerno laban sa nasabing mga rebelde sa Shariff Saydona Mustapha ng nasabing lalawigan.

Dito ay napatay ang dalawang miyembro ng BIFF habang walong namang sibilyan ang sugatan nang tamaan ng ligaw na bala.

Ang BIFF ay ang break-away group ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nakipagkasundo na sa kapayapaan sa gobyerno  bagay na mahigpit na tinututulan ng grupo ng una.

 Kasunod nito, dakong ala-1 naman ng madaling araw kahapon ng dalawang sundalo ang masugatan sa pag atake ng BIFF fighters sa Brgy. Dambalas, Datu Piang  at Brgy. Gantang sa Shariff Saydona, pawang ng nasabing lalawigan. Nagtangka umano ang mga ito na bawiin ang kanilang kampo na nakubkob na ng militar.

Nagpapatuloy naman ang opensiba ng pamahalaan laban sa nalalabi pang BIFF rebels sa Central Min­danao.

 

Show comments