MANILA, Philippines - Dahil sa kahirapan sa buhay at pagnanais na kumita ng konting barya sa pamamagitan ng pagkuha ng mga mapapakinabangan na kahoy sa seawall ng Manila bay ay minalas namang madulas, mahulog at masawi ang isang estudyante sa Moreta Compound, Tondo Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Christian Cernal, 13 anyos, grade 4 student ng General Vicente Lim Elementary School at residente ng Riverside 1, North Harbor, Tondo, Maynila.
Sa ulat ni SPO1 Richard Limuco ng Manila Police District-Homicide Section, nagpaalam umano sa kanyang lola na si Rosalea, 66 anyos, ang biktima dakong alas-8:00 ng umaga kamakalawa na mangangalakal ng ano mang mapapakinabangan na kahoy sa Manila Bay pero hindi na nakauwi pa.
Hinanap ang biktima hanggang sa makita ang bangkay nito kahapon ng umaga na lumulutang sa ilog na posible umanong nadulas at nalunod.
Sinasabing madalas nangangalakal ang biktima at ibinebenta ang ano mang nakukuha at iyon ang kanyang nagsisilbing baon pagpasok sa paaralan.
Ang bangkay ng estudyante ay dinala sa St. Rich Funeral Homes para sa kaukulang awtopsiya.