Glenda death toll nasa 86 na

MANILA, Philippines - Umaabot na sa 86 katao ang nasawi at 232 katao ang nasugatan sa bagyong Glenda.

Ito ang iniulat ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ale­xander Pama na pinakahuling nadagdag sa mga nasawi ay mula sa mga lalawigan ng Batangas Quezon, Camarines Sur at Sorsogon.

Pinakamalaking bilang ng mga naitalang nasawi ay mula sa Region IV-A o CALABARZON na umabot sa 63 katao na karamihan ay nadaganan ng mga nabuwal na puno, poste ng kuryente, gumuhong pader at nalunod.

Nasa P1.6 milyong katao ang naapektuhan ng bagyo sa Ilocos, Central at Southern Luzon, Bicol, Eastern Visayas at Metro Manila at aabot sa 97,055 pamilya o kabuuang 518,714 katao sa mga ito ang kinukupkop sa 1,264 evacuation centers.

Naitala sa P5,860,756,042.28 bil­yon ang pinsa­la ng bagyo at ang  P1,049,931,600 dito ay sa imprastraktura at P4,810,824,442 naman sa agrikultura.

Nasa 27,874 kabahayan naman ang nawasak habang 83,498 ang nagtamo ng mga pinsala.

 

Show comments