MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tatlong Pinoy ang kabilang sa 298 katao na nasawi matapos na umano’y masapol at pabagsakin ng missile ang kanilang sinasakyang Malaysian jetliner flight MH17 sa Ukraine malapit sa border ng Russia.
Sa isang pulong balitaan sa DFA, sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose na base sa isinimuteng ulat ng Malaysian Airlines, tatlong mag-iinang Pinoy ang kasama sa manipesto ng mga pasahero nang bumagsak na MH17 na nakilalang sina Irene Gunawan, 54; Sheryl Shania Gunawan, 20 at Darryl Dwight Gunawan, 15.
Ayon kay Jose, pawang may hawak na Philippine passport ang mga biktima at nakalagay sa rekord ng kanilang passport applications na ang kanilang huling address ay sa Netherlands.
Nakikipag-ugnayan na ang Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur sa pamilya ng mga biktima at handa silang tulungan na mabisita ang mga labi ng mga ito o kaya ay isaayos ang kanilang repatriation.
Sa ulat, ipinalalagay na pinatamaan at pinabagsak ng missle ng mga pro-Russian separatists ang MH17 (Boeing 777) habang nasa himpapawid pagsapit sa sinasabing lugar na pinamumugaran ng mga rebelde sa Hrabove sa Donetsk region sa eastern Ukraine, may 40 kilometro o 25 milya ang layo mula sa Russian border.
Nabatid na nagmula sa Amsterdam sa Netherlands ang MH17 patungo sa Kuala Lumpur nang umano’y pabagsakin ng missile ng mga rebelde sa Donetsk.
Nagkalat ang mga katawan, debris at nasusunog na wreckage sa nasabing lugar na kinabagsakan.
Naniniwala ang United States intelligence authorities na sadyang pinagbagsak ang nasabing eroplano gamit ang surface-to-air missile. Gayunman, inaalam kung anong grupo ang responsable dito dahil naganap ito sa Ukraine at Russian border.
Patuloy na nakikipag-ugnayan umano ang DFA at Embahada sa isinasagawang imbestigasyon sa nasabing pagsapol ng mga rebelde sa eroplano.
Sinasabi ng mga awtoridad na ligtas ang nasabing ruta ng eroplano para makapagbiyahe bago umalis ito sa Amsterdam patungong KL.
Ang pagbagsak ng MH17 ay kasunod nang misterysosong pagkawala ng Malaysian Airlines flight MH370 noong Marso.