‘Pulis’ nang-snatch ng cell phone

MANILA, Philippines - Nagsampa ng reklamo ang isang 22-anyos na lalaki matapos na agawin ang kanyang cellphone ng isang nagpakilalang pulis noong Martes ng gabi sa kanto ng A. Mendoza at Alvarez Sts., Sampaloc, Maynila.

Sa salaysay ng biktimang si Mark Paul Clutario, ng Sampaloc, Maynila, dakong alas-7:00 ng gabi habang siya ay nasa loob ng pampasaherong jeep, sinita siya ng isang nagpakilalang “SPO2 Ramos” na nakasuot ng uniporme at nakasuot ng jacket dahil sa kanyang paninigarilyo.

Pinagsabihan siya na bawal ang paniniga­rilyo at maaari umanong hulihin at magmulta ng P35,000. Nakiusap ang biktima na huwag arestuhin at tinanong siya kung magkano ang kaya niyang ibigay hanggang sa magkasundo sa hala­gang P1,000.

Wala umanong pera ang biktima sa oras na iyon kaya sinabihan siya ng ‘pulis’ na magwi-withdraw sa ATM at habang hawak ang kaniyang cellpone ay biglang itong sumibat sakay ng motorsiklo tangay ang cellphone ng una na nagkakahalaga ng P8,000.

Kasalukuyang ina­alam na ng Manila Police District-General Assignment  and Investigation Section (MPD-GAIS) kung saan nakadestino ang nasabing pulis.

 

Show comments