MANILA, Philippines - Balik na uli ngayong araw ang number coding scheme ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga pangunahing kalsada sa pagbabalik sa normal na panahon.
Magugunita na kahapon, sinuspinde ang number coding dahil sa pagtama ng bagyong Glenda sa Metro Manila na ang karamihang kalsada ay binaha.
Kabilang sa binahang mga kalsada ang malaking bahagi ng EDSA kasama ang Guadalupe-Estrella southbound (leg deep), Orense-Estrella (leg deep), EDSA Boni (ankle deep), C5 Palar-C5 SM Aura (half tire deep), Araneta Ave.-Ma. Clara sa Quezon City (waist deep) at mga kalsada sa Rizal Ave. sa Caloocan at Taft Ave. sa Maynila.
Sa Makati City, apat na sasakyan ang napinsala nang mabagsakan ng isang puno. Isang Toyota Altis, Mitsubishi Adventure at isang Honda CRV na pawang nakaparada sa may Lapu-lapu St. sa Brgy. Magallanes ang nabagsakan ng dambuhalang puno.
Tinamaan din ang unahan ng isang Hyundai Starex na dumaraan sa kalsada. Masuwerteng hindi naman nasapul ang driver nito na hindi nagtamo ng pinsala.