MANILA, Philippines - Labingwalong katao ang nasawi na kinabibilangan ng 13 miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) habang 4 sa panig ng tribong Manobo nang sila ay magsagupa habang dalawang sundalo ang nasugatan nang magresponde ang mga ito sa engkuwentro naganap kahapon sa ilang barangay sa Prosperidad, Agusan del Sur.
Sa ulat na nakarating kay Major Ricardo Visaya, Commander ng Army’s 4th Infantry Division (ID), bandang alas-5:30 ng umaga nang magbakbakan ang 20 rebeldeng NPA at tribong Manobo sa Brgy. Sta Irene ng nasabing bayan.
Ang bakbakan ay nang pumalag na ang tribong Manobo sa recruitment at panghaharass ng mga rebeldeng NPA sa kanilang pamayanan kaya pinaghandaan ang pagbalik ng komunistang grupo.
Hindi inaasahan ng mga NPA na nagsipaghanda na ang tribong Manobo sa kanilang pagdating kung kaya’t nang magpaulan sa mga kabahayan ay gumanti ng putok ang mga Manobo na ikinasawi ng 12 NPA rebels at apat naman mula sa mga katutubo.
Nasabat naman dakong alas-6:30 ng umaga tropa ng Division Reconnaisance Company ang tumatakas na mga rebelde sa Brgy. Awa, Prosperidad na nauwi sa bakbakan na ikinasawi ng isang sundalo.
Nagresponde ang tropa ng 1st Division Reconnaissance Company (DRC) at Special Forces Battalion ng 401st Brigade ng Phil Army sa lugar at tinulungan ang mga tribong Manobo sa pakikipagbakbakan sa NPA dakong alas-7:30 ng umaga na ikinasawi ng isa pang rebelde.
Umabot sa 16 matataas na kalibre ng baril kabilang ang ilang AK 47 rifle, M16 203 rifles ang nakuha ng militar sa pinangyarihan ng bakbakan.