Solon: Huwag hatiin ang sambayanan sa DAP
MANILA, Philippines - Pinayuhan ng House Independent Minority Bloc si Pangulong Benigno S. Aquino III na hayaan na lang sana umiral ang batas para sa ikatatahimik ng lahat at huwag na nitong hati-hatiin pa ang Sambayanan sa pagtatanggol nito sa Disbursement Accelaration Program (DAP).
Sa tingin ng Minority Bloc sa pamumuno ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na walang naging silbi ang pagtatanggol ni Aquino na labag sa Konstitusyon na ang DAP at dapat ay sisantihin nito kung sinuman ang nagpayo sa Pangulo nang balaan nito ang Korte Suprema na posibleng maging banggaan sa Ehekutibong sangay ng gobyerno.
Pinuna ng Bloc na hindi direktang napabulaanan ng Pangulo ang mga dahilan ng Korte Suprema sa pagpasya ng mga ito laban sa DAP, tulad ng paglipat ng natipid na pondo ng Ehekutibo sa mga opisina o ahensya ng pamahalaan na hindi nasasailalim nito.
Anila nanghihinayang sila sa talumpati ng Pangulo na puro lamang pagpupumilit na legal ang DAP dahil sa mabuting pakay nito at paninisi na naman sa administrasyong Arroyo.
Tinangka rin ng Pangulo na gamitin ang Administrative Code bilang katibayan na legal ang DAP na tila nalimutan niyang ang Konstitusyon ang pangunahing batas ng bansa na mananaig kailanman sa anu pa mang batas o kautusan.
- Latest