MANILA, Philippines - Pinagbabaril ng isang guro ang kanyang mister na pulis habang ito ay mahimbing na natutulog matapos ang mainitan nilang pagtatalo sa loob ng boarding house ng una sa Dipolog City, Zamboanga del Norte kamakalawa.
Hindi na umabot ng buhay sa ospital dahil sa tama ng bala ng cal 9MM sa dibdib ang biktimang si PO1 Rustom Redoble, 36, residente ng Purok 4, Sta. Isabel ng lungsod at miyembro ng Dipolog City Police Station.
Nadakip agad ang misis nitong si Maricel Gorrero Redoble, 33, guro sa Katipunan National High School sa Katipunan, Zamboanga del Norte at kinasuhan ng parricide.
Base sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-12:30 ng tanghali ay pumunta ang biktima sa Mirasol Pilapil Salaveria Boarding House na tinutuluyan ng gurong misis na matatagpuan sa panulukan ng Del Pilar at Bonifacio St., Brgy. Estaka.
Ilang sandali ay nagkaroon ang mag-asawa ng mainitang pagtatalo dahil umano’y pagseselos ng misis.
Nang matapos ang pagtatalo ay natulog ang biktima sa kama nang kunin ng misis ang baril nito pinaputukan nang sunud-sunod sa katawan.
Bagaman nagawa pang maisugod sa pagamutan ay nabigo nang maisalba ang buhay nito.