Solon: Ituro ang dapat managot sa DAP

MANILA, Philippines - Dapat nang ituro na ngayon pa lang ng Malacañang kung sino ang dapat managot o maparusahan dahil sa DAP kung talagang walang balak si Pangulong Aquino na bitiwan si Budget Sec. Florencio Abad.

Ito ang hamon ni House Independent Minority Bloc sa pamumuno ni  Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez sabay sa kanilang pagbibigay-diin na dapat may managot at maparusahan sa DAP.

“Nilabag ng DAP ang Konstitusyon, ang pangunahing batas ng bansa. Kapag nilabag ang batas, hindi uubrang basta na lang lalakad palayo o tutunganga ang lumabag na parang walang nangyari o wala siyang ginawang masama at hindi siya dapat managot.

“Kapag nagkagayon, iyon na ang magiging sukdulang pambabale-wala at insulto hindi lamang sa  Konstitusyon kundi sa sistema ng Katarungan sa ating bansa,” ayon kay Romualdez.

Pinaalalahanan ni Romualdez, na isa ring abogado, ang sambayanan na hindi pases ang ‘good faith’ o mabuting intensyon ng isang mamamayan, para labagin ang Konstitusyon o anumang batas nang hindi siya mapaparusahan ng anuman.

“Isinasaad din po ng ating batas na kahit hindi alam ng isang nilalang na may kaukulang batas na nagbabawal sa kanyang nagawa, mapaparusahan pa rin  siya sa paglabag niya dito.

“Kung  palalampasin natin ang DAP ng walang mananagot, wala nang pipigil pa sa mga tiwaling nasa gobyerno para labagin ang Konstitusyon o anumang batas  ng wala silang dapat ikatwiran kundi mabuti ang hangarin nila kaya’t hindi rin sila dapat maparusahan,” ayon  kay Romualdez.

Muling hinamon at nagpaalala ang minority bloc sa Palasyo na iutos na nila kay Abad at sa Commission on Audit (COA) na ilabas na sa lalong madaling panahon ang lahat ng dokumento na may kinalaman sa mga salaping nanggaling sa DAP.

 

Show comments