MANILA, Philippines - Gumagala ngayon ang isang grupo ng holdaper na nakakotse at target na biktimahin ay mga estudyante.
Ito ang naging babala ng Malabon City Police matapos ang isang 14-anyos na lalaking estudyante sa Immaculate Concepcion Parochial School ang naging biktima noong nakalipas na Biyernes (Hulyo 11) ng alas-6:50 ng gabi.
Sa salaysay ng binatilyo na siya ay naglalakad sa Gov. Pascual sa Brgy. Catmon nang hintuan siya ng isang lumang kotse at bumaba ang dalawa sa tatlong sakay nito.
Sapilitang hinatak papasok ng sasakyan ng mga salarin ang biktima saka pinasibad ang kotse.
Habang nasa loob ng kotse, tinangkang kunin ng mga salarin ang cellular phone ng binatilyo, ngunit nagalit ang mga suspek nang malamang wala itong dalang cell phone.
Sa inis ay sinapak sa mukha ng isa sa mga suspek ang biktima at kinuha na lamang ang pitaka nito na naglalaman ng P250.
Ibinaba ng mga suspek ang biktima sa may Tayuman sa Maynila.
Nagawa namang makauwi ng bahay ang biktima nang maglakad na lamang saka isinumbong ang sinapit na panghoholdap.