MANILA, Philippines - Inihayag ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza, na hanggang ngayon ay tikom pa rin ang bibig ni Budget Secretary Butch Abad sa isyu ng Disbursement Acceleration Program (DAP) at umano na hanggang ngayon ay sinasabing hindi pa niya nababasa ang desisyon ng Kataastaasang Hukuman gayung patuloy ang pagtatanggol ng Malacañang sa DAP.
Ayon kay Atienza na hindi patas kung hindi ibubunyag sa publiko kung hanggang saan ang lawak at ano ang mga pinopondohang proyekto ng DAP at kung talagang ginawa ito sa mga development projects o pang-reward sa mga loyal na kaalyado ng Pangulo.
Hindi na rin umano dapat hintayin pa ni Abad na ipatawag pa siya ng Kongreso para imbestigahan o hilingin pa sa pangulo na ipagtanggol siya sa mga taong nagplano at nagpatupad ng kontrobersyal na DAP.
Nagpahayag din ng pagkabahala si Atienza dahil sa pag-apruba ni Pangulong Aquino sa memorandum na nagbibigay ng kapangyarihan para i- consolidate ang savings at unutilized balances at pag-realign sa mga proyekto noong Hunyo 25, 2012 base na rin sa rekomendasyon ni Abad na nagpapatunay lamang umano na overnight lamang ginawa ang DAP at ang mga nasa likod nito ay nais itong aprubahan ng Presidente kahit na alam na nilang labag ito sa batas.
Sinabi rin ni Atienza na hindi maaaring i-apela ni Abad sa Korte Suprema ang desisyon na unconstitutional ang DAP upang matakasan lamang nito ang lumalawak na panawagan na isapubliko ang P147 bilyon pondo ng DAP.