MANILA, Philippines - Habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ng korte sa dalawang empleyado ng isang immigration consultancy firm matapos mapatunayan na nagkasala ang mga ito sa kasong large scale illegal recruitment.
Sa ulat ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kabilang sa pinatawan ng life imprisonment ni Baguio City Regional Trial Court (RTC) Branch 3 Judge Rose Mary R. Molina-Alim ay sina Rodolfo A. Domingo Jr. at Roliza S. Batag.
Ayon sa korte ang dalawa ay napatunayang guilty sa
recruitment ng mga overseas Filpino workers (OFWs) nang walang kaukulang otorisasyon mula sa POEA.
Ang dalawa ay sinampahan ng kaso ng 41 complainant, na karamihan ay mula sa Baguio City.
Sa reklamo ng mga complainant, nangolekta ang mga akusado mula sa kanila ng placement fees mula P35,000 hanggang P170,000 kapalit ng pangakong trabaho bilang domestic helpers sa Canada; butchers, factory workers at civil engineers sa Australia; at electronic technicians para sa South Korea na may suweldong mula P60,000 hanggang P130,000.