MANILA, Philippines - Binisita kahapon ni Senador JV Ejercito si Senador Juan Ponce Enrile sa kinalalagyang kuwarto nito sa PNP General Hospital at naawa ito sa kalagayan.
Inilarawan nito na masyadong masikip, mahirap gumalaw sa kuwarto ni Enrile na kaunting espasyo lamang ang puwedeng malakaran ng ‘90-anyos na beteranong mambabatas.
Sa kabila nito ay sinabi ni Ejercito na wala siyang narinig na anumang daing o reklamo kay Enrile o anumang hirit na mailipat siya ng ospital.
Naging mabigat rin umanong eksena nang pagpapaalam ng anak ni Enrile na si dating Cagayan Rep. Jack Enrile sa ama kung saan mahigpit ang mga itong nagyakap at kapwa naluha sa insidente. Nabatid na si Jack ay mananatili ng isang buwan sa Estados Unidos.
Dahilan sa nakita niyang kondisyon ni Enrile sa PNP General Hospital ay dapat aniyang ma-upgrade ang mga kondisyon ng mga jail facility sa bansa.
Samantala, pinaplano rin ni Ejercito na bisitahin sa PNP Custodial Center ang kaniyang kapatid na si Senador Jinggoy Estrada sa susunod na linggo.
“Next week sana makadalaw na ako kay Jinggoy, magdadala ako ng foods, kare-kare yung buntot, slightly excited na nga ako, next week na lang babalik ako”, ani Ejercito.
Aminado si Ejercito na nais niyang makita ang kapatid, pero batid niyang mainit pa ang sitwasyon matapos ang insidente ng overstaying ng mga bisita sa PNP Custodial Center kamakailan.