MANILA, Philippines - Nagbigay ng paalala si ABAKADA partylist Rep.Jonathan Dela Cruz na huwag maging padalus-dalos na bansagan ang Judiciary Development Fund (JDF) bilang “pork barrel” ng Korte Suprema.
“Huwag nating kalimutan na ang paggamit ng JDF ay mayroong malinaw na hangganan tungo sa pakay nitong pagpapalakas ng propesyonalismo at independence o kasarinlan ng judiciary o hudikatura.
“Limitadong-limitado ang kapangyarihan ng Chief Justice o ng buong Korte Suprema sa paggamit ng JDF at ito naman ay inaaudit din” puna ni Dela Cruz.
Pinuna rin ni Dela Cruz na ang JDF ay para sa libung-libong korte at mga empleyado ng mga ito sa buong bansa at hindi para sa Korte Suprema lamang.
“Kaya’t sa halip na busisiin ito bilang “pork barrel” matapos ideklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang DAP, mas maganda para sa lahat na rin kung tanungin na lamang ang mga dapat makinabang kung natanggap nila ang para sa kanila.
“Mas makakabuti rin kung tingnan na lamang nang derecho ang mga na-audit nang records ng JDF upang makita kung naaayon sa mga alintuntunin ang pagpapatakbo nito”,ayon kay Dela Cruz.
Pinuna rin ni Dela Cruz ang Korte Suprema sa pagtatanggol nito sa Konstitusyon sa pagdedeklara nitong unconstitutional ang DAP.
“Sa kabila ng mga diumano’y panggigipit ng iba’t ibang sektor at nilalang na may kaugnayan umano sa Malacañang, pinandigan ng Korte Suprema ang katarungan at ang Konstitusyon.
“Huwag sanang kalimutan ng Sambayanan na ang “good faith” o paniniwala na legal ang isang bagay nang isagawa ito ay hindi dahilan para hindi managot sa paglabag sa batas ang may kagagawan.
“Tulad nga ng sinasaad ng kasabihan, ang batas ay dapat na ipatupad sa lahat ng nilalang. Kung hindi wala na lang dapat batas”,dagdag ni Dela Cruz.