JPE isinailalim sa eye checkup

MANILA, Philippines - Matapos na magpa­lipas ng magdamag sa PNP General Hospital sa Camp Crame ay isinalang sa eye checkup sa Asian Eye Institute sa Makati City si Senador Juan Ponce Enrile kahapon ng umaga.

Ayon kay Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, Chief ng PNP-Public Information Office (PNP-PIO) dakong alas-6:50 ng umaga kahapon ng ilabas si Enrile sa PNP General Hospital kasama ng security convoy ng PNP para sa kaniyang regular  na pagsusuri sa mata sa Asian Eye Institute sa Rockwell, Makati City.

Pinayagan ng PNP ang kahilingan ng Senador na sumailalim sa eye injection sa nasabing pribadong hospital  dahilan sa maselan ang kon­disyon ng mata nito na maaaring maging sanhi ng kaniyang pagka­bulag kung mapapabayaan.

Bandang alas-8:00 naman ng umaga nang makabalik si Enrile sa Camp Crame at bumalik sa kuwarto ng PNP Gene­ral Hospital na kahit maliit ay may aircon.

Magugunita na noong Biyernes ng gabi sumailalim sa booking procedure tulad ng mugshot, finger printing, medical at physical examination si Enrile, 90-anyos nang ito ay sumuko matapos magpalabas ng warrant of arrest bandang alas-5:00 ang 3rd Division ng Sandiganbayan sa kasong plunder.

Si Enrile ang ikatlong Senador na ipinaaresto ng Sandiganbayan kaugnay ng pagkakamal umano ng

P 172.83 M sa pork barrel scam. Nauna nang sumuko sina Senador Ramon Revilla at Senador Jinggoy Estrada na kapwa nakapiit sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.

 

Show comments