MANILA, Philippines - Isang 14-anyos na dalagitang estudyante sa high school ang nasawi nang mahulog sa hagdanan ng kanilang eskwelahan sa Pasig City habang nagse-”selfie photo”.
Hindi na ibinigay ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima dahil sa pagiging menor-de-edad nito.
Ayon sa ulat ng pulisya, kahapon lamang naiulat sa kanila ang pangyayari na naganap sa loob ng Rizal High School sa nasabing lungsod bagamat nangyari ito noong Lunes ng alas-10:21 ng umaga.
Lumalabas sa imbestigasyon na nahilo at nawalan ng balanse ang estudyante
habang kinukunan ng larawan ang sarili kasama ang isang kaklase sa
hagdanan sa ikatlong palapag ng IR building ng paaralan.
Naitakbo pa ang biktima sa Rizal Medical Center Hospital ngunit nalagutan din ng hininga makalipas ang isang oras dahil sa pagkabali ng buto nito at pagkakaroon ng malaking sugat sa ulo.
Sa pahayag ng mga kaanak ng biktima na sila ay nakatatanggap ng iba’t ibang ulat tungkol sa pagkamatay ng biktima.
Sinabi ng tiyuhin ng biktima na una silang nakatanggap ng tawag mula sa adviser ng biktima na ito ay dinala sa ospital dahil sa pagkahilo, subalit nang puntahan niya ay patay na ang kanyang pamangkin.
Hiniling ng ina ng biktima na tulungan sila ng mga nakakakita sa insidente upang maliwanagan ang tunay na dahilan.
Ayon sa report, ang insidente ay naganap sa oras ng klase, pero wala
ang kanilang guro kaya nakalabas ng classroom ang mga mag-aaral at doon
nag-selfie ang biktima.
Nakatakdang iuwi ng Barangay San Gabriel sa Laurel, Batangas ang labi
ng mag-aaral para doon ilibing.
Wala pang pahayag ang mga kinaukulang opisyal ng ng Rizal High
School at maging ang pamunuan ng Department of Education.