23 bala ibinaon sa mag-ama

MANILA, Philippines - Binistay ng bala ang isang mag-ama ng hindi pa nakikilalang mga suspek kamakalawa sa Brgy. Bagong Buhay,  Alicia, Zamboanga Sibugay.

Nasawi noon din ang mag-amang Daud, 65, biyudo at Panagas Samson, 22, kapwa magsasaka ng Sitio Penjaman, Brgy. Lapirawan, Alicia ng lalawigang ito.

Batay sa ulat, bago nangyari ang pamamaril dakong alas-10:00 ng umaga ay nagtungo ang mag-ama sa kanilang lupain sa Sitio Lupak, Brgy. Bagong Buhay, Alicia upang magsaka.

Habang naglalakad ay bigla na lamang silang hinarang ng mga armadong salarin at agad pinagbabaril.

Nagtamo ang mag-ama ng 23 bala mula sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Napag-alaman pa namay kaalitan sa lupain ang mag-ama na pinaniniwalaang motibo ng krimen.

 

Show comments