MANILA, Philippines - Namatay noon din sa lugar ng pinangyarihan ang isang alkalde ng lalawigan ng Bukidnon matapos na sila ay pagbabarilin ng mga kalalakihan na hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) kahapon ng umaga.
Ang nasawi ay kinilalang si Bukidnon, Impasugong Mayor Mario Okinlay. Nagtamo ito ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat ni Major Christian Uy, Spokesman ng Army’s 4th Infantry Division (ID), bago nangyari ang pananambang sa biktima sa Brgy. Buntungan, Impasug-ong ay katatapos lamang ito sa isang medical mission na programa ng lokal na pamahalaan na “Hatid Serbisyo”.
Pabalik na ang alkalde at ang kanyang convoy sa munisipyo nang paulanan ng bala ng tinatayang 3-5 mga armadong rebelde.
Matapos ang puntiryahin ng pamamaril ang convoy ng mga behikulo ay pinaputukan ang sinasakyan ng alkalde ay mabilis na tumakas ang mga rebelde.
Ayon kay Major Uy na ikinagalit ng mga rebelde ang progreso ng naturang barangay sa programa ng lokal na pamahalaan bunsod upang mawala na ang simpatiya sa kanila ng residente dito.
Nagsasagawa na ng hot pursuit operations ang tropa ng militar at pulisya laban sa grupo ng mga rebelde na sangkot sa pananambang habang iniimbestigahan din ang motibo ng krimen.
Magugunita na noong Mayo 2013 ay napatay din si dating Kadilingan, Bukidnon Mayor Joselito Talaid nang tambangan ng mga armadong holdaper na tumangay sa P 7 M cash na dala nito.