MANILA, Philippines - Isang miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity na sumuko sa pulisya kaugnay nang pagkamatay ng De La Salle – College of St. Benilde sophomore na si Guillo Cesar Servando ay nagsabi na siya ay caretaker ng bahay na kung saan idinaos ang initiation rites.
Ito ang inihayag ni Makati Police chief Senior Supt. Manuel Lucban matapos ang pagsuko ni Jomar Pajarito na sinabi nito na hindi siya kasali sa initiation rites.
Sinabi ni Lucban, na si Pajarito ang nagbigay ng impormasyon sa pulisya kung saan ginawa ang initiation rites laban kay Servando na matatagpuan sa #4454 kanto ng Calatagan at Hilario Sts., Barangay Palanan, Makati City at pag-aari umano ng isang Merlyn Venus.
Isinalaysay ni Pajarito na pinapasok lamang niya ang kanyang mga kasamahan at umalis siya kasama ang kanyang pamilya bago pa umano isinagawa ang initiation sa biktima.??
Dahil sa wala pang ipinagtatapat ang sumukong frat member na siya mismo ay kasama at direktang sangkot sa insidente kaya’t hindi pa masasabing sumuko siya sa kanyang nagawang kasalanan.
“Ang kanyang alegasyon initially is ang kanyang mga kasamahan sa Tau Gamma Phi ay pinayagan niyang makapunta o magamit ang kanyang kinalalagyan dahil ito ay may bakanteng lote sa likod at magme-meeting lang ang kanyang kasamahan,’’ wika ni Lucban.
“Ang pagiging caretaker ng isang bahay na ginamit sa initiation rites ay malaking pananagutan sa Anti-Hazing Law. So sa ngayon hindi pa natin kino-confirm na siya ay caretaker dahil siya ay maaaring managot bilang kasapi sa mga makakasuhan.” pagwawakas ni Lucban.
Samanatala, hindi pa rin nakikilala ng mga imbestigador ang mga lalaki na nakita sa CCTV footage na kung saan ay kinakaladkad si Servando palabas ng elevator ng One Archers Place na matatagpuan sa Taft Avenue, Maynila.
Idinagdag pa ni Lucban na ang Makati at Manila police departments ay mayroon nang “unofficial’’ list ng suspects na aabot sa 11 na posibleng sangkot sa initiation rites.
Kasalukuyang kinordon na ng Makati police ang bahay na pinagdausan ng hazing.