MANILA, Philippines - Patay na nang matagpuan sa loob ng kanyang pinapasadang taxi ang isang driver matapos na pagsasaksakin ng hindi pa kilalang suspek kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.
Ang biktima ay nakilala sa pamamagitan ng nakuhang ID na si Gil Juego, 39, may-asawa ng Desire Compound, Barangay Culiat, Quezon City.
Ang bangkay ng biktima ay nadiskubre pasado alas-4:00 ng madaling-araw sa loob ng puting Rain and Yohan taxi na may plakang UWG-487 na na nakaparada sa Jenny’s Extension kanto ng Eusebio Avenue, Barangay San Miguel, Pasig City.
Malaki ang hinala ng pulisya na nanlaban ang biktima sa mga holdaper dahil sa mga nakitang sugat at galos sa kanyang braso at katawan.
Nawawala rin ang pitaka at perang kinita ng biktima sa kanyang magdamag na pamamasada.