CLARK, Pampanga-Ang pagiging convicted sa kaso ng droga ang naging hadlang para hindi mahirang na national artista si superstar Nora Aunor.
Ito ang pag-amin ni Pangulong Benigno Aquino III sa media interview matapos dumalo sa 67th anniversary ng Philippine Air Force (PAF).
Bagama’t anya fan sila ng kanyang ama na si yumaong Sen. Ninoy Aquino Jr. ni Ate Guy ay mayroong batayan na dapat sundin sa pagtanghal ng national artist.
“Ang naging problema ko lang doon, alam naman natin lahat na iginagalang ko ulit si Binibining Nora Aunor, na-convict po siya sa drugs. Na-convict at naparusahan at ang tanong ngayon dito, ‘pag ginawa ba nating national artist may mensahe ba akong maliwanag na sinasabi sa sambayanan,” paliwanag pa ni P-Noy sa media.
Ayon pa kay Pangulong Aquino, ayaw niyang magkaroon ng mensahe na minsan ay magiging acceptable ang illegal na droga kung saan ay minsang inamin ni Ms. Aunor na nalulong siya noong nasa Estados Unidos ito.
“Ngayon palagay ko naman kung ginagawa ko siyang national artist, may kabilang panig namang magsasabing: “Paano siya as a role model?” So ganun talaga itong trabahong ito, maski anong desisyon ko, meron talagang papanig doon sa salungat sa anumang desisyon ko,” paglilinaw pa ng Pangulo.
Sinabi pa ni Aquino, ginagalang nito at kinikilala ang naging ambag ni Nora Aunor sa industriya, subalit ang naging problema nito sa droga ang naging sagabal para hirangin niya itong national artist.