P14 Utang palit-buhay
MANILA, Philippines - Halagang P14.00 ang naging halaga ng buhay ng isang 34-anyos na construction worker matapos na laslasin ang kanyang leeg ng katrabaho na nagalit dahil sa hindi pagbabayad ng nasabing halaga na utang nito sa sugal na tong-its kamakalawa ng gabi sa Tondo, Manila.
Ang biktima na namatay noon din ay nakilalang si Benjamin Pangan Jr., may asawa, ng 7-C, Road 5, San Miguel Ridge, Marulas, Valenzula City.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-10:00 ng gabi sa barracks na ginagawang gusali na matatagpuan sa Wagas St., Tondo ay nagsusugal ang biktima, suspek at isa pang katrabaho ng tong-its.
Hindi umano binayaran ng biktima ang P14.00 na talo nito sa suspek na lingid sa kaalaman ng una ay nagtanim ito ng galit.
Nang makatulog sa barracks, sinamantala ng suspek na pagsasaksakin at laslasin ang leeg ng biktima na agad nitong ikinasawi.
Nabatid na magkaibigan ang biktima at ang suspek kaya hindi akalain ng mga kasama na sa halagang P14 na utang ay mapapatay ang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon na posibleng mas malalim pa sa hindi pagbabayad ng nasabing halaga sa larong tong-its ang motibo ng pagpatay.
- Latest