MANILA, Philippines - Nanganganib na mawalan ng trabaho ang nasa 200 casual employee ng Office of Civil Defense (OCD), ang isa sa mga ahensya ng gobyerno na pangunahing tumututok sa mga insidente ng kalamidad sa bansa.
Ito ang inamin kahapon ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director at OCD Administrator Alexander Pama.
Ayon kay Pama na ang mga contractual employees ay nasa kanilang punong tanggapan sa Camp Aguinaldo at ang iba naman ay nasa mga rehiyon na kinuha ng pamahalaan para makatulong sa kanilang trabaho.
Ang nasabing mga contractual employees ay tumutulong sa pagbibigay babala sa mamamayan sa panahon ng kalamidad tulad ng malalakas na bagyo, lindol at iba pa.
Nilinaw naman ni Pama na tapos na ang kontrata ng naturang mga empleyado at hindi na mare-renew pa at hindi na rin kukuha ng kapalit bunga ng kawalan ng pondo ng tanggapan ng OCD.
Aminado naman si Pama na malaki ang epekto sa trabaho ng OCD kapag na-layoff na ang nasabing mga casual employees ng kanilang tanggapan.
Umaasa naman ang opisyal na magagawan ng paraan ng pamahalaan ang problemang ito para ma-hire muli o pumirma ng panibagong kontrata ang mga casual employees.