Ombudsman: Jinggoy at Bong suspendihin

MANILA, Philippines - Dahil sa nahaharap sa kasong plunder at graft kung kaya’t hiniling ng tanggapan ng Ombudsman sa Sandiganbayan na suspendihin na sa kanilang posis­yon sina Senators Bong Revilla, Jinggoy Estrada at staff ni Revilla na si Richard Cambe.

Ang paghiling ng pagsuspinde ay dahil sa nakasaad sa Republic Act No. 7080 na ang sinumang public official na nakasuhan ng criminal tulad ng kasong plunder  na nakapending sa korte ay dapat nang suspendihin sa trabaho.

 Nabatid na 90 araw ang suspension order sa mga public official na may kasong plunder alinsunod sa batas.

Idinepensa naman ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang paghirit sa Sandiganba­yan na maamyendahan ang mga kasong naisampa sa naturang mga mambabatas.

Anya ang giit na pag-amyenda sa impormasyon sa naisampang kasong plunder ay hindi naman magpapabago sa teorya ng kaso kundi sa porma lamang.

Hiniling din ni Morales sa publiko na manatiling vigilante sa pagsusulong ng pamahalaan na maparusahan ang mga nagkasala sa batas  at huwag papadala sa mga alingasngas ng ilan bagkus ay tulungan ang bansa na magkaroon ng isang corruption-intolerant society.

 

Show comments