MANILA, Philippines - Nasa 11 miyembro ng Tau Gamma Fraternity ang tinutugis ng pulisya na kung saan ang tatlo ay natukoy na mga menor- de-edad.
Ito ang inihayag kahapon sa isinagawang press conference na pinangunahan nina Manila Police District Director C/Supt. Rolando Asuncion at MPD-Homicide Section chief, Senior Insp. Steve Casimiro nang ibunyag ng isa sa tatlong nasugatan na biktima na kasama sa hazing ng nasawing si Guillo Cesar Servando, sophomore student ng College of Saint Benilde.
Tiniyak ni Asuncion na nasa likod ng hazing ay Tau Gamma Phi habang ang mga initiator ay pawang nagmula o estudyante rin ng College of St. Benilde.
Nakikipagtulungan na rin sa imbestigasyon ang pamilya ng mga biktima maging ang College of St. Benilde para sa ikalulutas ng kaso.
Ipinakita kahapon sa media ng MPD ang hawak nilang footage ng closed circuit television (CCTV) kung saan makikita ang dalawang lalaki na hinihila palabas ang biktimang si Servando sa isang unit sa One Archers Palace na matatagpuan sa panulukan ng Taft Avenue at Castro St., Malate na ilang hakbang ang layo mula sa main campus ng DLSU.
Pag-aari umano ng isang John Paul Raval ang nasabing unit, anak ng isang retired general na kabilang din sa biktima.
Makikita sa footage na buhay pa si Servando, habang pilit na itinatayo sa pagkakahiga na hinihila ng dalawang lalaki palabas ng kuwarto at sa corridor na nakita ring naabutan sila ng unipormadong security guard ng condominium, bandang alas-9:32 ng gabi hanggang sa dumating na ang mga pulis alas-12:30 ng madaling araw ng Linggo at dumating din ang respondeng Philippine Red Cross dakong ala-1:05 ng madaling-araw.
Nilinaw ni Asuncion na kung matutukoy na ngayong araw kung saan naganap ang hazing at lalabas na hindi sa Maynila nangyari, itu-turn over nila ito sa ibang investigation unit ng district alinsunod sa isyu ng jurisdiction.
Nabatid din na planong umatras ni Servando subalit tinakot ito na papatayain.
Umapela ang pamilya Servando sa mga suspek na utak ng hazing na sumuko na lamang sa mga otoridad.
Nakatakda namang i-cremate ang labi ni Servando bukas.-may ulat din si Patrick Roy Andal