Ama, 2 pa sugatan sa pamamaril... parak pinatay sa bahay

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa pa­gamutan ang isang pulis habang tatlo ang nasugatan nang sila ay pagbabarilin ng isang lalaking naghihiganti sa pagkamatay ng kanyang tatay naganap kamakalawa ng gabi sa Zamboanga del Sur.

Ang nasawing pulis ay kinilalang si PO1 Ryan Ponce, nakatalaga sa Margosatubig Police Station. Habang nasugatan naman sina Leopoldo Ponce, Ruby Cantarona at  Roland Superable Emaya, security guard ng  Margosatubig Regional Hospital.

Ang suspek na tumakas ay kinilalang si Honey Alibasa ng  Sitio Caliemabato, Barangay Poblacion, Margosatubig, Zamboanga del Sur.

Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-6:30 ng gabi ay nagtungo ang suspek sa Margosatubig Regional Hospital at dito ay puwersahang kinuha ang service firearm ng sekyu na si  Emaya  at saka ito binaril.

Pagkatapos ay pinuntahan ng suspek ang bahay ni PO1 Ponce na malapit lang sa lugar at nang makita ay agad na binaril.

Nagkataon na nandoon din ang ama ni PO1 Ponce na si Leopoldo at kaibigan nito na si Cantarona at maging sila ay pinagbabaril din.

Kapwa nagtamo ng mga tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na ang pinakamalubha ay kay PO1 Ponce kung kaya’t hindi na nai­salba ang buhay nito.

Lumalabas sa imbestigasyon na paghihiganti ang motibo ng pamamaril ng suspek sa mga biktima dahil pinatay umano ang ama ng suspek ng mga pulis na miyembro ng Margosatubig Police Station may 10 taon na ang nakakalipas.

 

Show comments