MANILA, Philippines - Ang Sandiganbayan First Division na lamang ang nagpasok ng not guilty plea para kay Senador Bong Revilla.
Nang tumanggi ang senador na magpasok ng anumang plea sa Sandiganbayan matapos basahan ng sakdal kaugnay ng kinakaharap na kasong plunder at graft na may kinalaman sa mahigit P200 milyong kickback gamit ang kanyang PDAF sa pamamagitan ng pekeng NGO ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.
Nagpasok naman ng not guilty plea sa kasong plunder at graft sina Napoles at Atty.Richard Cambe, staff ni Revilla gayundin si TRC Director Gen. Dennis Cunanan na pawang akusado sa naturang kaso.
Not guilty rin ang ipinasok ng mga tauhan ng TRC na sina Maria Rosalinda Lacsamana, Marivic Jover, Eulogio Rodriguez at iba pa na akusado sa naturang mga kaso.
Dahil sa pagpasok ng not guilty plea ng mga nabanggit na akusado ay nangangahulugan ang pagpapatuloy ng Sandiganbayan sa paglilitis sa mga nabanggit.
Umaabot sa 23 akusado sa naturang kaso ang isinailalim sa arraignment ng Sandiganbayan at ang nalalabi pang sampung akusado sa naturang mga kaso ay patuloy na nakalalaya.
Pasado alas-8:40 ng umaga kahapon nang simulan ni SandiganbaÂyan 1st Division Chairman Associate Justice Efren Dela Cruz ang pagbasa ng sakdal sa mga nabanggit na akusado.
Makaraan ang arraignment agad na ibinalik sa piitan si Revilla at Cambe sa PNP Custodial Center sa Camp Crame at si Napoles naman ay naibalik agad sa Fort Sto. Domingo sa Laguna.