Shootout: 2 kidnaper todas

MANILA, Philippines - Isang pinaghihinalaang lider ng kidnap for ransom (KFR) gang at isa nitong tauhan ang napatay sa naganap na shootout laban sa mga operatiba ng pulisya naganap kahapon ng umaga sa Gutalac, Zamboanga del Norte.

Ang nasawing suspek ay kinilalang si Jaojin Salam, nasa hustong gulang at itinuturing na notoryus na lider ng KFR gang sa Zamboanga Peninsula habang inaalam pa ang pagkaka­kilanlan ng napatay nitong tauhan.

Ayon sa  Police Regional Office (PRO) 9 si Salam ay nakatala bilang number 10 most wanted na kriminal sa Western Mindanao.

Batay sa ulat, bandang alas-9:30 ng umaga nang maganap ang shootout sa pagitan ng mga operatiba ng pulisya at grupo ng suspek sa may tabing dagat ng bayan ng Gutalac.

Nabatid na sinalakay ng mga otoridad ang hideout ng mga kidnapper at sa halip na sumuko ay pinaputukan pa ng mga ito ang mga pulis kaya’t nauwi sa shootout na ikinasawi ng dalawang suspek.

Narekober sa pi­nang­­yarihan ng bakbakan ang dalawang M14 rifles na gamit ng mga suspek sa kanilang illegal na aktibidades.

Wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng mga law enforcers sa nasabing ope­rasyon.

Show comments