MANILA, Philippines - Tila nakahanap ng katapat ang isang 24-anyos na lalaki na hinihinalang nasa impluwensiya ng droga matapos mapatay dahil sa kanyang pagwawala nang makipagbarilan sa mga kagawad ng pulisya kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.
Agad na nasawi dahil sa tama ng bala sa leeg at katawan ang biktimang si Ceferino Sanoy, Jr., residente ng Gozon Complex, Letre, Brgy. Tonsuya, ng naturang lungsod habang sinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala ng sumpak sa katawan ang pulis na si PO3 Raul Salazar, nakatalaga sa Malabon City Police.
Ang insidente ay naganap dakong alas-2:05 ng madaling araw nang makatanggap sila ng tawag sa mga residente ng Gozon Complex ukol sa pagwawala ni Sanoy na armado ng isang sumpak at naghahamon ng barilan sa sinumang matapang sa lugar.
Rumesponde naman sa lugar ang mga pulis ngunit pagdating pa lamang ay sinalubong na ng biktima ng bala ng baril ang mga alagad ng batas sanhi upang tamaan ng bala si Salazar. Nakaganti naman ng putok ang mga pulis at tinamaan si Sanoy.
Kahit na may tama na ng bala, nagawa pang makatalon sa katabing creek na puno ng burak ang suspek kung saan dito ito nalagutan ng hininga.
Inaalam naman ng puÂlisya ang sanhi ng pagwawala ni Sanoy na posibÂleng nasa impluwensya umano ng iligal na droga o alak.