MANILA, Philippines - Dahil sa epekto ng tinirang droga kaya’t naging pakiramdam ng isang mister na sinaniban siya ng masamang espiritu at tinaga at napatay ang misis kamakalawa sa Port Area, Maynila.
Ang biktima na nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Medical Memorial Hospital ay kinilalang si Monica Bañez, 56.
Agad namang naaresto ang suspek na si Arsenio Banez, 56, kapwa residente ng Procter and Gamble, 2-3 Area 7, Gawad Kalinga Village, Baseco Compound Port Area, Maynila.
Sa ulat, dakong alas-5:00 ng hapon ay naglalaro ng bingo ang biktima kasama ang mga kapitbahay sa Area 6 at Area 7 sa Gawad Kalinga sa Port Area.
Dito ay dumating ang suspek na armado ng jungle bolo at laking gulat na lamang ng mga tao sa bingohan nang pagtatagain ang misis nito sa tiyan.
Ayon sa suspek na may bumubulong sa kanya na patayin ang misis kaya’y ginawa niya ito.
May hinala ang pulisya na bangag sa droga ang suspek at nagha-hallucinate ito na sa tingin niya ay kaaway ang kanyang misis.