Magkasama sa selda sa Camp Crame... Bong at Jinggoy magkakosa

Sinalubong ni PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Ma­galong si Senador Jinggoy Estrada kasama ang ama nito na si Manila Mayor Joseph Estrada matapos isuko kahapon at ikulong.  

MANILA, Philippines - Mistulang nagdilang anghel si Senador Bong Revilla nang tawagin niyang kosa ang kaibigan na si Senador Jinggoy Estrada sa kanyang hu­ling privillege sa senado kamakailan matapos na ipag-utos kahapon ng Sandiganba­yan na ikulong si Estrada  sa Camp Crame Custodial Center kung saan ay nandun din nakakulong si Revilla.

 Ang hakbang ay nakasaad sa commitment order na naipalabas ng Sandiganbayan Fifth Division matapos na iutos ng graft court na arestuhin na rin si Estrada kaugnay ng kasong graft at plunder na naisampa sa mga ito ng tanggapan ng Ombudsman.

Bago maaresto si Jinggoy ay sumuko muna ito sa kaniyang amang si dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada  bago ito isinuko sa PNP Camp Crame.

Dumating sa Camp Crame dakong alas-12:10 ng tanghali lulan ng 10 convoy sa pangunguna ng puting coaster na sinasakyan ng pamilya Estrada  at agad isinailalim sa booking procedure tulad ng finger printing, mug shot, medical at physical examination si Jinggoy sa PNP Multi-Purpose Center.

Nauna nang sumuko si Revilla noong Biyernes kung saan ilang araw bago ang insidente ay tinawag nitong ka-kosa si Jinggoy sa kaniyang privilege speech dahil sa inaasahan na nila ang senaryo ng pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa kanilang tatlo nina Senador Juan Ponce Enrile sa pork barrel scam.

Si Jinggoy ay sinasabing nakinabang ng P183 M sa pork barrel scam, P172.83 M si Enrile at P 224.52 M naman si Revilla.

 

Show comments