Bong ikinulong na sa crame

MANILA, Philippines - Ikinulong na kahapon sa Philippine National Police  Custodial Center si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. matapos itong sumuko nang ipalabas ang warrant of arrest ni Sandiganbayan First Division Justice Efren dela Cruz sa kasong plunder laban sa kanya at 32 iba kaugnay sa  kasong  P10 bilyong pork barrel scam na ang utak umano ay ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles.

Sinamahan si Revilla ng kaniyang misis na si Cavite 2nd dist. Rep. Lani Mercado, mga anak na sina Cavite Vice Governor Jolo Revilla, Bryan, Inah at Ram Revilla  at iba pang miyembro ng kanilang pamilya na umalis sa kanilang tahanan sa Bacoor City, Cavite kahapon ng umaga at bumiyahe patungong Sandiganbayan.

Bago nagtungo sa Sandiganbayan  ay nagpadasal muna ang pa­milya Revilla  sa kanilang tahanan kung saan bumaha ang emosyon matapos na magpasalamat ang Senador sa kaniyang mga supporter at tiyakin sa mga ito na hindi siya mawawala.

Bandang alas-11:19 ng tanghali nang duma­ting ang convoy ng Senador sa Sandiganbayan kung saan boluntaryo nitong isinuko ang sarili sa anti-graft court.

Dakong ala-1:00 ng hapon nang dumating sa Camp Crame si Revilla at dito isinagawa ang proseso ng booking tulad ng finger printing, mugshot, physical medical examination at pagkatapos ay idineretso na ito sa  PNP Custodial Center  at ikinulong.

Maliban kay  Revilla, kabilang rin sa naisyuhan ng warrant of arrest sa kasong plunder ay sina Richard Cambe, Director III, ng Office ni Senator Revilla; Janet Lim Napoles na nasakote na; Ronald John Lim at  John Raymond de Asis na walang piyansa.

Nahaharap rin si Revilla sa kasong graft and corruption at may P30,000 ang piyansa para sa pansamantalang kalayaan.

Bukod kay Revilla, kinasuhan rin ng graft and corruption ay sina Cambe, Mario Relampagos,  Rosario Salamida Nunez, Lalaine Narag Paule, Marilou Dialino Bare,  Antonio Ortiz, Dennis Cunanan, Francisco Figura, Ma. Rosalinda Lacsamana, Marivic  Jover, Janet Lim Napoles, Myla Ogerio, John Raymund de Asis, Eulegio Rodriguez, Laarni Uy, Consuelo Lilian  Espiritu, Evelyn de Leon, Allan Javellana, Rhodora Mendoza, Encarnita Christina Munsod, Maria Julie Villaralvo-Johnson,  Victoria Roman  Cacal, Maria Ninez Guanizo, Gondelina Amata, Emmanuel Alexis Sevidal, Ofelia Ordonez, Chita  Jalandoni (nagpiyansa na), Gregoria Buenaventura, Jocelyn Piorato at Evelyn Sucgang.

Show comments