MANILA, Philippines - Pitong sundalo at siyam na miyembro ng Abu Sayyaf ang patay habang 13 ang nasugatan nang magsagupa ang tropa ng Philippine Marines at ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Patikul, Sulu nitong Huwebes.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Ramon Zagala II, dakong alas-6:20 ng umaga ng makasagupa ng mga sundalo ang hindi pa madeterminang bilang ng mga bandido sa Brgy. Kagay ng nasabing lugar.
Sa bakbakan ay napasÂlang ang isang opisyal ng Philippine Marines na pansamantalang hindi muna tinukoy.
Aniya, matapos ang sampung minuto ay muling nagkaroon ng bakbakan sa pagitan ng magkabilang panig na ikinasawi naman ng anim pang sundalo at 13 ang nasugatan nang paulanan ang mga ito ng 81 MM mortar ng ASG sa Brgy. Kabbon-Takas ng nasabing bayan.
Kabilang naman sa 13 sugatan, ayon pa sa opisyal ay pawang nasa kritikal na kondisyon na inilipad na ng helicopter mula Sulu patungong Camp Navarro General Hospital upang malapatan ng lunas.
Kasalukuyang nagsasagawa ng security patrol ang tropa ng Philippine Marines ng paulanan ng bala ng mga bandido na nauwi sa bakbakan. Agad rin naman na umatras ang ASG na pinaniniwalaang nalagasan rin ng puwersa.