Misis sugatan... Parak utas sa ambush

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang pulis habang nasugatan ang misis nito matapos na sila ay pagbabarilin sa isang ambush kahapon ng umaga sa highway ng Brgy. Santos, Tanauan City, Batangas.

Ang nasawi ay kinilalang si PO2 Estratuto Bagsic, 38, nakatalaga sa Regional Headquarters Support Group, Camp Vicente Lim, Calamba  City, Laguna.

Nilalapatan ng lunas ang misis nitong si Agnes.Habang hindi nasaktan ang kanilang anak.

Sa ulat, minamaneho ni PO2 Estratuto ang kulay kayumangging Mitsubishi L300 van (TLR 658) sakay ang misis at kanilang anak nang pagbabarilin ng mga salarin sa nasabing lugar.

Ihahatid sana muna ni PO2 Estratuto ang misis sa opisina at anak sa eskwelahan bago pumasok sa kanyang trabaho nang sundan sila ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo.

Pagdating sa nasabing lugar ay dito na pinagbabaril ang mga biktima na kung saan ay napuruhan ng tama ng bala si PO2 Estratuto kaya’t bumalandra sa highway ang minamanehong van. Bumaba ang mga suspek sa motorsiklo at nilapitan ang van at binuksan at dito ay pinagmumura ng isa sa mga suspek si PO2 Estratuto at mu­ling pinagbabaril upang tiyaking hindi na mabubuhay pa.

Bago tumakas ang mga suspek ay tinangay ang service firearm ng pulis.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen.

 

Show comments