MANILA, Philippines - Ginagamot ngayon sa isang hospital ang isang 33 anyos na photographer na biktima ng mga kawatan na akyat bahay gang at saksakin sa dibdib kamakalawa ng gabi sa Silang Cavite.
Kinilala ang biktima na si Denny De Guzman, may asawa, residente ng Bahay Silungan, Unida Church Purok 3, Brgy. Malaking Tatiao Silang Cavite.
Arestado naman ang apat na suspek sa isinagawang follow up ng pulisya na nakilalang sina Zouren Ayo, 23 ng Brgy. Tubuan 3; Luisito Vertudez 26; Leo Gregory 20 at Jay-Ar Gregory 18 pawang mga residente ng Brgy. Malaking Tatiao.
Sa imbestigasyon ni PO3 Carlito Loyola, may hawak ng kaso, alas-10:00 ng gabi habang naghahapunan ang biktima sa loob ng kanyang bahay, ng puwersahang sirain ng mga suspek ang main door ng tahanan ng biktima at tuloy tuloy na pumasok.
Isa sa mga suspek na si Ayo ang lumapit sa biktima at tinarakan agad ito sa dibdib ng dalang patalim habang ang 3 suspek ay tinangay ang pera ng biktima na nagkakahalaga ng P25,000.
Matapos nito ay mabilis na tumakas ang mga suspek, pero kahit duguan at nanghihina ay nakahingi pa rin ng tulong ng biktima sa kanyang mga kapitbahay kung kaya agad itong naisugod sa pagamutan.
Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ay nadakip ang mga suspek at nabawi rin ang patalim na ginamit sa krimen.