Ngipin ng Cybercrime law, masusubukan
MANILA, Philippines - Matapos ideklarang Constitutional ng Korte Suprema ay masusubukan ngayon ang ngipin ng Cybercrime Law kung ito ba ay epektibo.
Ito’y matapos isampa na ng piskalya ng Las Piñas sa mababang korte ang kauna-unahang kaso ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, laban sa isang Karla Marinez Ignacio.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng Philippine National Bank (PNB) sa pamamagitan ni Atty. Ruben Zacarias kaugnay sa nadiskubreng 9 na hindi awtorisadong transaksiyon ng bangko noong Mayo 16, 2014 kasama na ang umano’y remittance na halos P1.3-million ni Sunny Pullan Juan sa Ostrich Business Services sa Acct Number na nakarehistro sa PNB Almanza Branch sa Las Piñas City at ang mahigit 170-libong piso na remittance ni Gretchen Quility Andres para kay Ignacio sa account number na nakarehistro din sa PNB Almanza.
Bagamat nabawi ng PNB ang anim sa siyam na kuwestiyunableng transaksiyon, kasama ang remittance para sa Ostrich Business, hindi na narekober pa ng bangko ang transaksyon na ipinasok sa account ni Ignacio.
Natuklasan naman ng PNB na ang account number ng Ostrich Business ay pag-aari rin ni Ignacio.
Humingi ng tulong ang PNB sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), at noong Mayo 22, 2014 ay dinakip si Ignacio sa loob ng PNB Almanza Branch.
Depensa ni Ignacio, ang pumasok na pera sa kaniyang account ay kabayaran sa serbisyong ginawa ng kaniyang kumpanya.
Subalit, ayon sa resolusyon ng Las Piñas City ProseÂcutor, hindi umano matukoy ni Ignacio kung sino ang nagdeposito ng pera sa kaniyang account, anong serbisyo ang binayaran sa kaniya at magkano ang contract price, bukod pa sa kawalan niya ng maipakitang dokumento bilang katibayan na may proyekto itong pinasok sa Amkor Annam, dahilan upang ideklarang may probable cause para isampa ng Las Piñas Regional Trial Court ang 2 counts ng Computer-related Forgery, na paglabag sa ilalim ng Section 4 ng Cybercrime Law.
Ang resolusyon na naisampa na sa mababang hukuman ay pirmado ni Las Piñas Assistant City Prosecutor Sylvia Inciso-Butial at aprubado ni City Prosecutor Marylin Cynthia Fatima Madamba-Luang.
Inirekomenda rin ang P120-libo na piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Ignacio.
- Latest