OFWs travel exemption sa Libya, kakanselahin ng POEA

MANILA, Philippines - Kakanselahin ng pamunuan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang travel exemptions ng  mga Overseas Filipinos Workers (OFWs) na kinakailangang bumalik sa Libya kung lalala ang security situation sa nasabing bansa.

Sa resolution No. 9, na ipinaskil ni POEA administrator Hans Leo Cacdac sa kanyang Twitter account nitong Linggo ng umaga, nakasaad na maaaring bawiin o mapawalang-saysay ang naturang travel exem­p­­tions kung itataas pang muli ang alert level sa Libya.

Nauna rito, noong Mayo 29 ay itinaas ng DFA ang security alert level sa Libya sa alert level 3 o voluntary repatriation phase dahil sa nagaganap na civil unrest  sa Libya.

Kaagad namang nagpalabas ang POEA Go­verning Board nitong Mayo 30 ng Resolution No. 8, na nagpapatupad ng total deployment ban sa proces­sing at deployment sa lahat ng OFWs na patungong Libya.

Gayunman, nitong Sabado, inianunsyo ng DFA na inaprubahan ng pamahalaan ang travel exemptions para sa mga OFWs na kinakailangang bumalik sa Libya dahil sa kontrata nila sa kanilang employers kabilang na ang mga household service staff na employed ng diplomats ng foreign embassies, OFWs na employed ng United Nations at iba pang international organizations sa Libya, OFWs na nagtatrabaho off-shore sa oil rig platforms, ngunit kailangang hindi sila daraan sa mainland Libya o magbabakasyon doon, OFWs na nagtatrabaho sa multinational companies, government hospitals at mga paaralan, gayundin sa Libyan National Oil Company at mga Pinoy na kasal sa Libyan nationals.

 

Show comments